February 18, 2006
Click image to view pictures. Ang Nasirang ImaheAng Block 7
Kapag sinabi kong sa squatters’ area tayo pupunta, anong maiisip mong itsura nung lugar?
Alas-diyes ang hintayan noon sa Royal Mall (Malinta Exit) naming mga Amadista. Syempre, natural na habang naghihintay ay bumubuo ka sa isip mo ng mga imahe na tutugma sa mga nabalitaan mo tungkol sa lugar na iyon. At dahil marami-rami na rin naman ang mga lugar na napuntahan namin ng dahil sa CWTS, isinunod ko sa hulma ng mga iyon ang imahe na binuo ko.
Sabi sa amin ni Kuya Bam at ni Kuya Dindo, hindi daw kanila ang kinatitirikan ng mga bahay nila. In short, mga squatter sila.
Ano pa nga ba ang iisipin namin kapag sinabing sa squatter’s area tayo pupunta? Tulad noong pinuntahan namin sa Tondo at sa Tungkong Mangga – mabaho, madumi, magulo, siksikan.
Mga dikit-dikit na bahay, pawid ang mga bubong, may nakapatong na mga bato at lumang gulong para hindi liparin. Siguro nakatayo ang mga iyon malapit sa pusali, kaya mabaho at malangaw sa lugar
Syempre dahil squatters’ area, maraming mga batang nagkalat dun sa mga kalsada nila imbes na nasa eskwelahan at nag-aaral; madudungis at nagtatampisaw sa kanal. Marami ring tambay, mga lalaking lasing, nasa labas ng mga maliliit na tindahan, at mawawala ba ang mga babaeng buntis na nakadaster na naghahabol sa mga anak na maliit habang karga ang sanggol na pinapasuso. Bukod pa dito, parang naiisip ko na din kung paano ba kami pakikitunguhan ng mga tao doon. Sa ibang lugar kasi na napuntahan namin, pinagtitinginan kami – para kaming mga bakasyunista o excursionist na nasa isang field trip.
Habang daan, di kami tumutigil sa mga haka-haka namin kung ano nga kaya ang itsura ng lugar. At sa tagal at layo ng nilakad namin – mula sa kantong pinagbabaan sa amin nung tricycle na nasakyan namin hanggang sa damuhan na may tambak na basura hanggang duon nga sa lugar na malapit na pala sa NLEX! – marami-rami na ring imahe ang mga nabuo sa isip namin.
Pero laking gulat namin nang hindi ganitong eksena ang nabungaran namin.
Nang dumating kami doon, mga maayos na mga bahay na bato ang bumati sa amin. Mabaho iyung papunta sa lugar, e pano ba naman may factory na naglalabas ng toxic waste dun sa tapat (hello? DENR?!) pero sa kabuuan, hindi naman naiiba ang simoy ng hangin doon sa ibang lugar sa Valenzuela. May mga batang madungis syempre, pero, may kakaiba ba doon? Eh mga bata nga sila. Wala ang mga lasing, dadalawa ang nakita kong buntis, at iilang mga nanay ang naghahabol sa anak.
May Homeowners’ Association pa nga sila, at may mga proyekto ang Anakpawis bilang tulong (kagaya ng pagpapsimento ng eskinita nila doon). Isang pagtutuwid nga pala. Hindi nga sa kanila ang lupang kinatatayuan ng bahay nila, pero malapit na rin iyong maging kanila. Nagbabayad sila ng mga butaw na nagsisilbing hulog nila sa unti-unting pagbabayad ng lupa para maging kanila na. Kaya pwede na ding sabihing , di naman talaga sila squatters sa lugar na yon.
Katibayang hindi dapat naniniwala sa unang tingin, este, sa unang dinig.
Kape at Tula (Pagdugtungin Mo Nga?)Mga Nasirang Plano ng mga Amadista
Kapehan at Tulaan.
Iyon agad yung pumasok sa isip namim ng sinabi yung balak na magkaroon ng poetry night dun sa mapipiling community sa AVH para sa klase namin sa CWTS. Bago pa kami nakapunta sa mismong komunidad, nagplano na kami, pero napulido lang namin yun mga balak namin nung nakabalik na kami galing sa Block 7.
Pano nga ba nabuo ang “Kapehan at Tulaan” sa amin?
Gusto kasi namin na ‘yung magiging gawain doon sa komunidad ay may kinalaman sa organisasyon na kinabibilangan namin bilang mag-aaral ng CWTS, ang Amado V. Hernandez Resource Center. Saan pa nga ba kilala si Ka Amado kung hindi sa mga tula na ginawa n’ya?
Ilang beses ba kaming nag-meeting para lang mabuo ang konsepto na to ng Kapehan at Tulaan? Di ko na mabilang. Pano, gusto talaga naming maging maganda yung presentation namin para mapatunayan namin kay Kuya Bam at kay Mam Roselle na kaya naming bumuo ng makabuluhang proyekto. Siyempre, para din naman may maiwan kaming marka sa komunidad na pupuntahan namin.
Nagplano na kami. Mag-oovernight kami para sa workshop at yung susunod naman ay para sa mismong cultural night. Plinano kung anong oras kami magkikita, kung saan, kung paano ang magiging arrangement sa overnight – lahat, pulido talaga. Pati kung magkano ang magiging contribution ng bawat isa sa pagkain (mga OC kasi kame) pinag-usapan namin. Nilinaw din namin ang mga objectives namin para makita kung ano ba talaga ng mga gusto naming maabot sa proyektong to. Pati mga tula pinili na namin.
Nung una, ang balak lang naming gamiting mga tula ay iyong kay Ka Amado. Sampu lang ang pinapili sa amin ni Kuya Bam-bam (yung mga taga-community kasi ang magtatanghal ng mga iyon), pero hindi lahat kay Ka Amado. Nagsama na rin kami ng mga tula na isinulat ng iba, kagaya ng isang tulang ni Jose Ma. Sison na “Paano Maging Bayani”.
Kaya naman nagkaroon ng kape sa kwento kasi ‘yun yung balak naming ipainom sa mga manunood sana nung presentation (syempre hindi Néstlé).
Mula dun sa tula, may naka-isip naman (si Kuya Bam-bam din yata) na magandang gumawa ng T-shirt hindi lang para sa amin kung hindi para na rin sa community.
Syempre kung may pagtatanghal na gaganapin, dapat may dokumentasyon nung proseso, at doon naman nag-ugat iyung ideya na mag-exhibit ang grupo namin ng mga larawan na nakunan sa mga dapat sana ay magiging gawain namin sa komunidad.
Excited na nga kaming lahat para sa overnight. Nag-meeting pa kame ng Wednesday (Satrurday ang overnight) at talagang binusisi namin ang lahat ng detalye, dapat walang palpak, lahat dapat nasa ayos. Nagbigay pa nga ang AVHRC ng letter para maayos kaming makapagpaalam sa mga magulang namin. Yung iba naman na di pwedeng mag-overnight sa community, gumawa na ng paraan para makahanap ng matutulugan. Yung iba nga sa min, kinansel pa ang mga plano nilang sumama sa field trip na aakyat sa Bundok Banahaw para lang makasama sa workshop-overnight na to.
Handang handa na kami para mag-workshop. Para lang magising ng Sabado ng umaga sa text ni Kuya Bambam.
Di na matutuloy ang overnight. Nagkaproblema sila sa presidente nila. Ayaw ipagamit ang mga facilities. Na1017 sila. Magmimiting muna sila bago tayo makapunta. Magagandang balak, pero hindi natuloy, at iyon ay dahil sa isang Raagas.
Ang Taong Dapat Lang na PangigilanSi Uldarico Raagas
Kapag naaalala ko si Raagas, nanggigigil ako.
Pihado manggigigil ka rin kapag nabasa mo na ang lahat ng tungkol sa kanya dito.
E ‘di iyon na nga, handa na ang lahat, nakapunta na kami sa Block 7, nakapili na kami ng tula, nakapag-plano na rin hinggil sa gaganapin na overnight doon sa Valenzuela, pero hanggang doon nalang lahat iyon para sa batch namin, salamat kay Naagnas, este, Raagas.
Sino nga ba si Raagas? Ang buo n’yang pangalan (na kasing baho ng ugali n’ya): Uldarico Raagas.
Anong kinalaman n’ya sa Block 7: Siya ang Homeowners’ Association President
Bakit s’ya dapat panggigilan: Isang taon lang dapat ang termino n’ya, pero sa mga dahilang s’ya lang talaga ang nakakaalam, gusto n’yang ipa-extend nang hanggang tatlong taon ang termino n’ya bilang presidente.
Anong masama doon: Hinaharang n’ya ang lahat ng taong kumokontra sa mga kwetyonableng gawain n’ya bilang pangulo kagaya ng mga opisyal ng Anakpawis na aktibo syempre sa komunidad.
Tapos: Pagkatapos naming magpunta sa Block 7, hindi na kami nakabalik. Una, nag-ala PP1017 dun sa lugar, hinarang yung mga facilities na dapat na magagamit sana namin para sa mga balak na workshop atbp., tapos biglang i-denemanda n’ya ang lahat ng mga opisyal ng Anakpawis na taga-Block 7 at syempre dahil magulo pa doon, hindi na namin naituloy ang balak sana naming Kapehan at Tulaan para doon sa komunidad.
Siguradong hindi lang naman talaga siya ang dapat panggigilan. May mga tao tiyak s’yang hawak (at hawak s’ya) na tumutulong sa kanya para magawa ang mga bagay na yun.
Ang nakakainis lang talaga, maraming tao ang nagdudusa dahil sa mga kalokohan n’ya. Hindi malaman ng karamihan kung saan napupunta ang mga butaw na binabayaran nila (ang iba nga tumigil na dahil nawalan sila ng gana), may mga pasilidad sila sa komunidad na hindi nila mapakinabangan ng maayos kung hindi sila magbabayad ng pang “maintenance” at hanggang ngayon, hindi nila alam kung anong mangyayari sa kanila pagdating sa usapan sa lupa.
Kaya naman, kapag naaalala ko si Raagas at ang mga kagaya niya, nanggigigil ako.
Basura sa Block 7Ang Tunay na Problema ng Kanilang Komunidad
Sa totoo lang, iisa lang naman ang problema sa Block 7 – si Raagas nga.
Si Raagas ang patunay na may mga tao talagang gagawin ang lahat napanatili lang ang kapangyarihan niya – para siyang mini Gloria kumbaga.
Ang dapat na isang taon lang niyang termino, pilit niyang pinapa-extend sa mga dahilang siya lang naman ang nakakaalam. Parang Cha-Cha ni Gloria. Na ang tunay na dahilan ay para lang manatili siya sa posisyon niya bilang presidente ng asosasyon nila.
Tinanggal niya sa masterlist ang mga taong kumakalaban sa kanya. Parang PP1017 ni Gloria. Kung sila Ka Bel at randy David, pinaaresto, sila naman tinanggal sa listahan. Lahat ng ito para lang mapanatili niya ang kanyang kontrol sa asosasyon at sa Block 7.
Walang PakialamananApathy Killed the Cat
Tunay ngang napakaraming taong ganid sa kapangyarihan na nasa ating paligid – at, oo! Nakakainis sila! Pero ano ang mas nakakainis kaysa sa mga tong ito? Yung mga taong walang pakialam – yung mga apathetic.
Ito ang higit na mas bumabagabag sa akin – ang katotohanang may mga taong tila walang pakialam sa mga pangyayari sa kanilang paligid. Tulad na lamnag ng isang pamilya na nakausap namin sa Block 7 na parang mas interesado pang pag-usapan ang mga alaga nilang baboy kaysa sa mga problema sa kanilang komunidad.
Nakakalungkot isipin na mas ninanais pa ng ilan na lumayo sa tunay na issue para maprotektahan ang kanilang pansariling kapakanan. Sa Block 7, may mga taong tulad ni Kuya Dindo na ipinaglalaban ang tamang pamamalakad na ipinagkakait sa kanila ni Raagas. Pero nakakalungkot na ang mga taong ipinaglalaban nila, ang mga karapatang para naman sa kanilang lahat – tila balewala lamang sa iba.
Isipin na lang natin, kung karamihan ng mga tao sa kanilang komunidad, paano na sila? Magiging sunud-sunuran habang-buhay sa kasakiman ng isang pangulong sariling kapakanan lang ang iniintindi? Isipin mo pa, paano kung ganyan din ang karamihan ng mga tao sa Pilipinas? Paano na tayo? Ano na ang mangyayari sa atin?
Dapat ay matutunan nating buksan ang ating mga mata. Wag tayong magbulag-bulagan sa mga pangyayari sa paligid natin. Tandaan natin, kaya dumadami at lumalakas ang loob ng mga taong ito ay dahil hinahayaan natin sila. Wala tayong ginagawa.
Isipin mo nga, kung may nakita ka bang taong pinapatay eh mananahimik ka na lang? Ano kaya ang mas masama? Yung gumawa ng krimen o yung nakita mo pero wala kang ginawa? Tandaan mo, hindi nga ikaw ang pumatay pero hinayaan mo lang siyang mamatay.
Parang sa Block 7, hindi nga ikaw si Raagas at hindi mo siya kakampi. Pero hayan ka, nakikita mong unti-unti niyang pinapatay ang komunidad niyo pero wala kang ginawa. Parang katulong ka na rin niyang pumatay sa Block 7 di ba?
Kaya ako, it wasn’t curiousity which killed the cat. It was apathy.
Apathy killed the cat.